Saturday, December 15, 2018

Pasalamat Bago Matapos ang Taong 2018



Halos matatapos na naman ang taong ito
‘di ko namalayang kaytuling lumipas ang mga araw
nagdaang parang kaybilis noong ako’y mayroong hinihintay
nagdaang parang kaybagal noong mga bagyo sa buhay ay dumatal
lahat ng aking naranasan: mga ligaya at pait ng buhay
ay muli na namang mababaon sa alaala ng kahapon

Subalit ‘diko sukat akalain, na sa dinami-dami
ng mga taong nasasawi at pumapanaw sa araw-araw
ako’y malakas at buhay pa, taglay kahit papaano ang ngiti at sigla
Na sa mga panahong ako’y nagkasakit, saglit lang iyon -
gumaling kaagad mula sa karamdaman
sa tulong at patnubay na ‘di matatawaran.

Dumating din ang mga sandaling halos ‘di ko alam ang aking gagawin
sapagkat magkabilaan, sunod-sunod ang pagbisita ng mga tiisin
Nandiyan ang hirap ng kalooban
Nandiyan ang kakapusan kung minsan
Sumagi din ang halos kawalan ng pag-asa
Maging ang bingit ng kamatayan
Ang kurot sa puso ay parang di na yata lilipas
maging ang pagluha ay tila ‘di na maputol sa pag-agos


Salamat na lamang, at mayroong Panalanagin


Sa bawat paghakbang at pagtitiwala
hindi lamang sa sandali ng kalungkutan, maging sa kapayapaan
ay dumarating din ang kaligayahan
na kung sa akala ko’y dina matatapos ang pighati
masisilayan pa rin ang ngiti sa mga labi
Na anupa’t ang lahat ng mga ito -
ay pawang mga karanasan, karanasang magpapatibay
sa puso at damdamin ng isang tao.


Sa isang sulok ng aking puso at pagkatao,
sumisinag ang nag-uumapaw na kagalakan
lumalaganap sa aking kabuuan, ang mga katagang pagpapasalamat
na sa tuwina’y patuloy nalalasap - noon pa man, sa simula’t simula
magpa-hanggang ngayon - pagkat ako’y hindi pinabayaan.
Salamat po Ama, Salamat po Ama.





_billymacdeus



inspired by:

“life and the echoes of the heart: thanksgiving forevermore”

No comments:

Post a Comment