Pagtakbo ng oras na tila'y walang humpay
Sa isang gabing malamig ang simoy,
Dala'y samyo ng tubig alat
Sa pigurang nakatingala sa alapaap.
Itinuwid ang bola ng sinulid Patungo sa mga bituing marikit.
Dalawang mata'y ipinikit;
Payapang inalala ang lahat ng mga pasakit.
Kinimkim nang ilang dekada,
Sa pusong napuno ng takot at pag-aalala.
Nag-aalab ang poot at pagkasi,
'Di mawari kung alin ang magwawagi.
Tila ako'y nasa isang teatro.
Patuloy kong ginagampanan ang karakter na inilaan,
Kung saan ako'y isang hamak na tumitingala
At inaasam ang isang bituing marilag.
Sa pagpapatuloy ng palabas, 'Di ko sukat akalaing ako'y masisilayan,
Pinansin,
inalagaan,
at hinagkan.
Ang puso'y napuno ng kapayapaan at kagalakan.
Kay bilis ng panahon,
Dumating ang isang daluyong.
Sa akin siya'y nanlamig at inagaw Ng isang magnanakaw.
Hinarap ko siya't tinanong dahil sa aking pagdaramdam.
Sinabi niyang hindi naman talaga niya ako mahal;
Naburyo lamang siya sa kanyang tahanan Kaya't ako'y kaniyang pinaglaruan.
Napakabilis ng pangyayari,
Akala ko'y ikaw na hanggang sa huli.
Akala ko'y ikaw ang magiging kabiyak.
Akala ko'y ikaw ang magpupunan sa aking pusong wasak.
Masasabi kong ako nga'y nasa isang teatro.
Hindi ko batid ang mga maaaring mangyari.
Ang mga salitang maiuusal ng bawat mga labi
Ay pawang nais ng bawat isa sa amin.
Isang palabas muli ang naglaho.
Mapait ang naging pagtatapos.
Isa sa mga karakter ang hindi nagmaliw ang pag-irog nang taos,
Sapagkat ang puso'y piniling maging bilanggo.
Original content poetry by Aeril
chirurgie esthetique Belgique
ReplyDeleteTarifs chirurgie esthetique Belgique
Devis chirurgie esthetique Belgique
Abdominoplastie Belgique