Saturday, July 23, 2011

Kahilingan


Kailan ka makauunawa?
sa mga salitang nakalihim sa hiwaga
datapwat ito'y ipinanukala
subalit itinikom mo ang iyong pag-asa
Muli kong ipinamanhik
at ikaw nama'y nagpaunlak
kaya aking muling isinaysay
ang katotohanang
iyong itinatwa
ngunit hindi pala sapat
pagkat ito'y 'di mo matanggap
ang mensaheng isinisiwalat
bagkus, nasaktan ka ng labis
at halos di makaimik
subalit ako'y hindi lumihis
ako'y hindi sumuko
para lamang ika'y matuto
sa mga aral na wari mo'y tanso

hanggang ngayo'y di kita matinag
sa puso mong kay ilap
kahit ibukas lamang saglit
upang ang liwanag ay sumapit
ngunit di mo man mawari
ika'y laman at sa isipa'y laging sumasagi
mangusap lamang itong puso'y
iyong mapagtantong ito'y walang halong biro
pagkat nais kong ika'y magmana
ng kayamanang di nasisira
nawa'y iyong maunawa
na ang mga di nakikita'y
doon nati'y ilagak ang pag-asa

lamang ako ay hamak
sino ako upang iyong paniwalaan
walang kakanyahan o maging kayamanan
o ni kapangyarihan
bagama't ako'y kawalan
ika'y aking isinama
sa aking mga pagpapanata
at nawa'y ika'y matamnan
ng isipang mapanaliksik
na 'di nahuhungkag
sa mga bagay na malinis
kundi'y ika'y maging mapanuri
at maunawa ang ibig kong iparating
na iyong madama ang kasidhian
ng kalooban kong ika'y mapabilang
sa kawan na may basbas
na magmamana
ng buhay na walang hanggan






MAC