Friday, October 11, 2019

Hulyo Beinte-Siyete






Araw ng kaarawan ng iyong kawan,
Araw din ng kaarawan ko sa bayan,
Isang daan at limang taong Iningatan,
Anim na taon akong ginabayan.

Dumating na ang araw ng pasalamat,
Hinintay ito ng bawat hinirang mong tapat.
Bagama't kami'y hindi karapat-dapat,
O, Diyos, hinango Mo kaming lahat.

Nagdanas ng mabibigat na suliranin,
Nagpasan ng iba't ibang saloobin.
Ika'y napaka buti sa amin
Sapagka't kami ay iniibig Mo pa rin.
Bagamat kami'y nagkulang at nagkasala,
Ipinaranas Mo pa rin ang mga pagpapala't biyaya,
Kung minsan ma'y mawalan ng pag-asa,

Iyong pinalalakas kami, pinasisigla.
Hindi lingid Sa'yo ang hangarin ng bawat puso,
Sa kabila ng karumihan ay pinagtitiisan Mo.
Sa lahat ng paulit-ulit naming mga pangako,
Nilinis, ginawa mong marapat mga hirang Mo.

Ngayo'y matagumpay ang Iglesia na iyong bayan!
Ibinabalik namin Sa'yo ang lahat ng kapurihan!
Kami'y Iyong lingkod na walang kabuluhan
Nguni't dahil Sa'yo kami'y tapat na lumalaban.
Tulad ng ginto, kami'y dapat maging dalisay,
Ipinararaan Mo kami sa malakas na apoy ng buhay,
Pagtatagumpayan namin ang lahat ng sakit at lumbay,

Upang kami sa iyo ay laging magtumibay.
Dumating man ang malalakas na alon,
Kami ay patuloy na makakaahon.
Pangako namin ito sa'yo, Panginoon,
Hindi sasayangin ang kahalalan na aming baon.

Ano man ang mangyari maglilingkod hanggang sa wakas!
Ano man ang mangyari maglilingkod hangga't may lakas!
Ano man ang mangyari, kahit ano ang madanas,
Tapat na maglilingkod kahit luha sa aming mukha ay bumakas. 

Mananataling tapat ang mga hinirang mo
Sapagka't sa'yo lamang namin matatamo
Ang buhay na sa amin ay iyong ipinangako
Buhay na walang hanggang diyan sa piling Mo.

Mawala na ang lahat sa amin, o, Ama!
H'wag lamang ang pag-ibig at Iyong awa.
Sa amin ay h'wag Ka sanang magsasawa
Na pakaingatan kami sa tuwi-tuwina.
Salamat, Ama, sa walang sawang pagmamahal!
Nakikita mo ang aming pagpapagal,
Sa tulong mo, kami'y tumatagal,
Kaming mga hinirang na iyong inihalal.




guest post by Lanz Aidan

No comments:

Post a Comment